180

Dec 6, 2017 @ 18:08
By

Honasan sa CPP-NPA: Patunayan n’yong hindi kayo terorista

Hinamon ni Senador Gregorio Honasan ang Communist Party of the Philippines (CPP) at armed wing nitong New Peoples Army (NPA) na patunayang hindi sila terorista.

Ayon kay Honasan, chairman ng Senate committee on national defense and security, ang CPP-NPA ang kailangang kumilos para ipakita sa gobyerno at sa taumbayan na hindi sila terorista.

“Let them prove otherwise that they are not terrorists. So yung bola nasa korte nila. Hindi nila ito magagawa sa forum shopping, sa news releases. Prove it on the ground,” ani Honasan na dating sundalo.

Kung ayaw na matawag na terorista, dapat umanong tumigil ang NPA sa panununog, panglulusob at pag-atake sa mga sibilyan, sa tropa ng gobyerno at sa mga pagnenegosyo na kinikikilan ng “revolutionary tax.”

Sinabi ito ni Honasan kasunod ng pag-iisyu ni Pangulong Duterte ng proklamasyon kung saan idinedeklara ang NPA na teroristang grupo.

Naniniwala naman ang senador na may pag-asa pa ring umusad ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng makakaliwa.

Iminungkahi na gawing “localized” ang pag-uusap o ang mga lokal na pamahalaan ang makikipagnegosasyon sa mga rebelde sa kanilang lugar dahil hindi naman umano sinusunod ng NPA ang mga pinuno ng political wing nila na National Democratic Front (NDF).

Ani Honasan, habang kausap ng gobyerno si CPP-NDF founding chairman Jose Maria Sison at iba pang lider -komunista, lumilitaw na wala silang kontrol sa NPA dahil hindi tumitigil ang mga ito sa panggugulo sa kanayunan kahit mayroong peace talks. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?