23

Sep 10, 2021 @ 18:07
By

Honasan: PH hindi na kulelat sa internet

Hindi na umano kulelat ang Pilipinas pagdating sa internet connectivity.

Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan na malaki na ang naging pag-unlad ng internet connectivity ng bansa.

“Our connectivity programs have improved by 700 percent sa fixed at saka more than 300 percent sa mobile. Di pa po tayo nandoon sa itaas, pero ‘di na tayo kulelat ngayon that’s one good news,” sabi ni Honasan.

Makatutulong din umano ang common tower policy ng gobyerno upang mas lalo pang mapaganda ang serbisyo.

Sabi pa ng kalihim mayroong 40 telecommunication company sa bansa at “tatlong malalaki at yung iba maliliit na nagsasama-sama na ngayon at ang net effect nitong competition ay lower prices and more efficient services.”

Nakikipagtulungan na rin umano ngayon ang mga telecommunication company sa DICT.

“Nakukumbinse na po namin yung mga telco na magtulungan tayo dito. Hindi na po pinaguusapan dito yung kikitain dahil the telecommunications industry is so big that you can actually moderate your greed. Pwedeng timplahin naman yung corporate objectives at tsaka yung public responsibility at ibig kong ibalita sa inyo na tumutulong na sila sa amin,” sabi ni Honasan.

Nauna ng sinabi ng DICT na batay sa Speedtest Global Index ng Ookla ang average download speed sa bansa ay 71.17 megabits per second (Mbps) para sa fixed broadband mula sa 66.55 Mbps noong Hunyo.

Ang average mobile internet download speed naman ay 33.69 Mbps mula sa 32.84 Mbps.

Ang Pilipinas ay ika-63 sa 180 bansa pagdating fixed broadband at pang-72 sa 139 bansa para sa mobile internet.

Ang DICT ay humihingi sa Department of Budget and Management (DBM) ng P34.63 bilyong budget para sa 2022 pero nabigyan lamang ng P9.067 bilyon.

Para madagdagan ang pondo, umapela ang DICT sa Kongreso na payagan silang gamitin ang P8 bilyong spectrum users fee (SUF) na ibinabayad ng mga mobile network service providers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?