70

Feb 5, 2020 @ 19:21
By

Honasan hindi tatratuhing espesyal sa Senate probe

Hindi bibigyan ng Senado ng espesyal na pagtrato si dating senador at ngayo’y Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan sa gagawin nilang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon sa P300 milyong intelligence funds sa kanyang tanggapan.

“No one is above the law,” pahayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa panayam ng mga reporter kahapon.

“Malapit sa amin si Senator Honasan, pero if there is such an accusation, what we can do is to fast-track the approval of this [special oversight] committee para sa ganoon ay mabigyan siya ng venue para masagot ang mga katanungan; kung meron mang mismanagement or misuse of funds,” dagdag nito.

Una rito naghain sina Zubiri, Senate President Vicente Sotto III at Senator Panfilo Lacson ng Senate Resolution 310 para sa pagtatag ng Senate Select Oversight Committee on Intelligence and Confidential Funds.

Inihain ang resolusyon matapos ang pagbibitiw ni dating DICT Undersecretary Eliseo Rio na kumukuwestiyon sa P300 milyong confidential fund na ginamit ng ahensiya sa nakalipas na tatlong buwan ng 2019.

Sabi ni Rio, bilang Undersecretary for DICT operations, karapatan niyang malaman kung saan napunta ang intel fund ng DICT.

Para naman kay Sotto, bukas naman sa publiko ang pagdinig at pagkakataon na rin aniya ito para mailahad ni Honasan ang kanyang panig kaugnay ng naturang alegasyon.

“We will take everything straight up. This is in aid of legislation. Ang inquiry ay para malaman kung merong dapat baguhin sa system. Hindi lang sa DICT but everything that involves confidential funds,” sabi ni Sotto.

“This will always be a public hearing, not in executive session para walang masabi,” dagdag nito.

Sinabi naman ni Lacson, na okay lang umano kay Honasan na imbestigahan siya ng mga dating kasamahan sa Senado.

“Alam niya iyon [na puwede siya imbestigahan]. Maganda [nga iyon], sabi niya,” sabi ni Lacson.

Si Honasan ay dating kasama nina Sotto at Lacson sa tinaguriang “Macho Bloc” ng Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?