By

Hollywood actor Steven Seagal, sumama kay Duterte sa Jolo

Sharing is caring!

Sinorpresa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga binisitang sundalo sa Jolo, Sulu noong Biyernes makaraang isama sa pagbisita sa Camp Teodulo Bautista ang hollywood actor na si Steven Seagal.

Hindi inakala ng mga sundalo na makikita nang personal ang Amerikanong aktor na napapanood lamang nila sa pelikula.

Nagbigay ng maikling mensahe si Seagal sa mga sundalong nakikipagbakbakan sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.

Ayon kay Seagal, kinikilala niya ang sakripisyong ginagawa ng mga sundalo para matiyak lamang ang kaligtasan ng bansa laban sa terorismo at ibang uri ng karahasan.

Pinaalalahanan ng aktor ang mga sundalo na bagama’t ang kanilang laban ay kayang pagtagumpayan, hindi aniya ito natatapos sa isang magdamagan lang.

“We don’t win this battle today, we don’t win this battle tomorrow. Its gonna be a long battle, but slowly ,day by day, week by week, month by month, year by year, the enemy will get smaller and finally they will be gone to the point where it is absolutely and positively controllable,” ang pahayag ng aktor.

Sinabi naman ng Pangulo na si Seagal ang nagpahayag ng interes na sumama sa Jolo kaya isinama niya ito sa pagbisita sa mga sundalo.

“My good friend Steven Seagal sumama talaga dito. Sabi niya ‘sama ako. Bigyan mo lang ako ng M4 at ok na’,” ang pahayag ng Presidente.

Kasalukuyang nasa bansa ang aktor para mag-shooting ng kanyang TV series, at unang nakipagkita kay Pangulong Duterte sa Malacañang noong Oktubre para ipahayag na suportado nito ang ginagawang kampanya kontra iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?