145

Oct 1, 2017 @ 12:09

Holdaper ng bus, patay matapos makipagbarilan sa pulis

Sa isang matalahib na lugar sa kanto ng EDSA at Whiteplains sa Quezon City binawian ng buhay ang di pa nakikilalang holdaper ng bus, matapos siyang makipagbarilan sa mga pulis Huwebes nang madaling araw.

Base sa paunang imbestigasyon, sa Makati sumakay ng bus ang lalaki, kasama ang tatlong iba pa.

Pagdating umano sa tapat ng isang mall sa Ortigas, biglang nagdeklara ng holdap ang mga lalaki.

Kinuha nila ang mga gamit ng nasa sampung pasahero.

Sa gate ng Corinthian Gardens na raw nagpababa sa bus driver ang mga holdaper.

Sakto namang nagroronda ang mga pulis doon, at nakita ang apat, na may bitbit na mga bag at kahina-hinala ang kilos.

Nang lapitan ng mga pulis, agad umanong tumakbo ang mga holdaper at nagpaputok!

“Babaan po nila ito. Madilim kasi dito kaya dito sila bumababa. Walang masyadong tao kapag madaling araw,” paliwanag ni P/Supt Wilson delos Santos, hepe ng QCPD Station 12.

Sa engkwentro, napatay ang isa sa mga holdaper.

Nakuha sa kanya ang isang 9mm, isang silver na kwintas at anim na cellphone.

Arestado naman ang isa pang suspek na si CJ Barroga.

Depensa niya, pinilit lang siya ng mga kasama na gawin ang krimen.

“Sinama lang nila ako. Sumama nalang ako para di nila ako saktan. Kaya di ako tumakbo kasi alam kong wala naman akong kasalanan,” sabi ni Barroga.

Dalawa sa apat na holdaper ang nakatakas at tinutugis na ng mga pulis.

Nananawagan din sila sa mga biktima na magreport sa istasyon para masampahan ng kaso ang mga suspek. (Binky Holer)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?