137

Dec 31, 2017 @ 10:03
By

Holdaper na riding-in-tandem bumulagta sa Tondo

Patay ang isa sa dalawang holdaper na riding-in-tandem matapos manlaban sa mga pulis na nagtangkang sumita sa kanila kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Nasawi habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang hindi pa nakikilalang suspek na inilarawan ni SPO4 Milbert Balinggan, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, na nasa 35-40 ang edad, may taas na 5’6-5’7, may balbas at tattoo sa kanang braso, kanang tiyan at kaliwang dibdib, nakasuot ng bull cap, maskara, puting t-shirt at asul na short pants.

Nakatakas naman ang kasama niya na nakasuot ng itim na jacket.

Napag-alaman na unang nagreklamo sa MPD-Station 2 ang kanilang nabiktima na si Johaira Pusan, 26-anyos, na hinoldap ng mga suspek sa may Dagupan malapit sa Mayhaligue St., Tondo kaya nag-follow-up operation ang mga pulis.

Namataan ang mga pulis ang dalawang suspek sa Jose Abad Santos Avenue malapit sa Quiricada pero pinaputukan sila nito kaya gumanti ang mga awtoridad dahilan para bumulagta ang isa.

Narekober sa nasawing suspek ang back pack ng biktimang si Pusan na naglalaman ng cellphone at pera nito. Nabawi din ang ilan pang kagamitan at cellphone na hinihinalang pag-aari ng iba pang hinoldap ng mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?