42

By

Hiwalay na hatol sa bawat akusado sa Maguindanao massacre, itinakda ng SC

Sharing is caring!

Walong taon matapos ang malagim na Maguindanao massacre kung saan 58 ang namatay kabilang ang 32 mamamahayag, patuloy pa ring nililitis sa mababang hukuman ang 103 akusado kabilang na ang pangunahing suspek na si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.

Sa update ng Korte Suprema, nabatid na mula sa 197 na orihinal na akusado, 115 ang naaresto at mula sa bilang na ito, isang akusado ang naabsuwelto dahil sa kawalan ng probable cause, dalawa ang ginawang state witness at isa ang namatay sa katauhan ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na pumanaw habang nasa bilangguan.

Ayon pa sa Korte Suprema, umaabot sa kabuuang 273 testigo ang sumalang na sa witness stand ng Quezon City Regional Trial Court kung saan 166 ay testigo ng prosekusyon, habang 107 naman ay mula sa depensa.

Natapos na rin ng prosekusyon ang pagprisinta ng ebidensiya sa halos lahat ng mga akusado, at ang nakabinbin na lamang ay ang manifestation na isusumite ng prosekusyon para sa “formal offer of evidence” laban kay Andal Jr. na ang kahilingan para makapagpiyansa ay ibinasura na ng korte.

Sa ngayon ay ang panig na ng depensa ang nagsusumite ng ebidensiya.

Natapos na ng depensa ang presentasyon ng ebidensiya para sa 31 akusado, habang nagpapatuloy pa ang presentasyon para sa 34 na iba pang akusado.

Ayon sa Korte Suprema, sa oras na matapos na ng depensa ang presentasyon ng ebidensiya, maaari nang ideklarang “submitted for decision” ang kaso laban sa bawat akusado.

Sa ilalim ng panuntunang inilabas ng Korte Suprema, pinahintulutan nito ang pagpapalabas ng mababang hukuman ng hiwa-hiwalay na desisyon para sa bawat akusado sa kaso ng Maguindanao massacre.

Ibig sabihin, hindi na umano kailangang hintayin na matapos ang presentasyon ng ebidensiya ng lahat ng mga akusado bago makapagpalabas ng hatol ang Quezon City RTC. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?