31

By

Historic record ni Tabal alay sa Ama

Sharing is caring!

Hindi nagpatalo ang 2017 Southeast Asian Games gold medalist na si Mary Joy Tabal sa lungkot at hinagpis sa pagkamatay ng ama sa gabi ng kanyang paglaban sa karera upang itala ang kasaysayan bilang unang babaeng runner na nagwagi ng limang sunod na korona sa prestihiyosong National MILO Marathon na ginanap sa unang pagkakataon sa Cebu City.

Lumuluha at bitbit ang hinagpis at pighati ay tinawid ni Tabal ang tinahak na kabuuang 42.195 kilometrong distansiya sa oras na 2:58:01 upang itala ang limang diretsong taon pagiging reyna simula nong 2013.

“Alam ko gusto niya na maabot ko ang goal namin na maging five-time MILO Marathon Queen. I dedicate this race to Papa. I know he will be with me in all of my races. He was the one who taught me to never give up, and I never will,” umiiyak na sabi ni Tabal.

Napantayan din ni Tabal ang rekord sa kabuuang limang titulo na iniuwi sa magkakahiwalay na mga taon ni Arsenia Sagaray na nagwagi noong 1978, 1979, 1980, 1982 at 1983.

Pumangalawa naman ang apat na beses din naging kampeon na si Christabel Martes (3:04:20) at ikatlo ang naging dalawang beses nananalo sa titulo na si Jho-an Villarma (3:11:26).

“Lagi po niya akong sinasalubong pagkatapos ng karera. Ngayon po wala na siya na sumasalubong lagi sa akin,” kuwento ni  Tabal, na napaluhod pagtawid sa finish line. “Nagte-training po ako sa Italy sa nakalipas na linggo at umuwi sa Cebu noong Martes. Hindi ko na po siya nakita sa nakalipas na araw bago siya namatay. Tanging sa phone ko lamang po siya nakakausap,”

Halos umayaw na si Tabal na tumakbo sa karera dahil sa kalungkutan at hinagpis subalit mas binigyan nito ng asam ng ama na takbuhiin ang karera. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?