9

Oct 15, 2020 @ 17:33
By

Hirit sa PCSO: Pagtaya sa lotto gawing online

Dapat umanong sumunod na rin sa cashless payment system ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para makatulong sa bumabang benta ng lotto games ngayong pandemya.

Ilang lotto agent ang nagsabing nagdadalawang-isip tumaya ang mga tao sa mga lotto outlet dahil sa mga quarantine protocol pati na ang takot na mahawa ng coronavirus disease kaya naman bumagsak ang kita ng lotto.

“Ang amin, sana magkaroon na ng cashless payment for the lotto outlets para ma-prevent din ‘yung spread ng COVID,” apela ng isang agent sa ulat ng Inquirer.

“‘Yung sales namin, bagsak talaga siya from the start dahil nga may mga taong hindi na nakakalabas. So, part of it, we see na matutulungan kami kung mayroon tayong cashless transactions,” dagdag pa niya.

Sa pamamagitan daw ng cashless payment system ay maraming mananaya ang maaabot at tataas ang kita ng mga lotto game.

Karamihan daw kasi ng mga mananaya ay nagtatanong sa kanila kung maaaring tumaya online dahil sa takot lumabas ng mga bahay.

“Maraming nag-i-inquire kung puwede magtaya sila kahit nasa bahay lang sila, especially ‘yung mga senior citizen,” aniya.

“Kung naka-cashless payment system tayo, broader ‘yung makukuha natin na client, pag broader ‘yun, mas magiging mataas ‘yung sales natin,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?