214

Oct 20, 2017 @ 19:24

Hirit ni Trillanes: Sen. Gordon, minomonopolya ang pagdinig

Hinikayat ni Senador Antonio Trillanes IV ang Senate Ethics Committee na patawan ng nararapat na kaparusahan si Senador Richard Gordon sa mga paglabag nito sa rules ng Senado.

Isa sa ipinunto ni Trillanes sa kanyang ethics complaint laban kay Gordon ang pagmomonopolya nito sa mga pagdinig na pinangungunahan ng Senate Blue Ribbon Committee.

“The records of the Blue Ribbon Committee will show how Sen. Gordon has been monopolizing the flow of the proceedings during the committee’s hearings, thereby not giving an adequate opportunity for other senators to speak and ask questions,” saad ni Trillanes sa kanyang reklamo.

Tinukoy ni Trillanes ang pamumuno ni Gordon sa hearing ng Blue Ribbon Committee sa P6.4 billion shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs.

Pinuna rin ni Trillanes ang pagiging bias ni Gordon sa pamamahala sa mga hearing bilang chairman ng komite.

“Sen. Gordon has shown his bias in the exercise of his powers as chairman of the committee,” nakasaad din sa ethics complaint.

Ipinaliwanag ni Trillanes na nakapadali para kay Gordon na magpalabas ng subpoena sa mga personalidad na nababanggit sa pagdinig subalit nang ilang ulit nang nababanggit ang pangalan ng mga kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nag-atubili itong magpalabas ng imbitasyon.

Napilitan na lamang aniya si Gordon na magpalabas ng imbitasyon kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio nang ma-pressure na sa panawagan ng publiko.

Hiniling ni Trillanes sa Ethics Committee na patawan ng parusa, suspensyon o expulsion si Gordon. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?