63

Oct 25, 2017 @ 16:46

Hirit ni Solano na ipa-inhibit ang judge sa Atio case, binutata

Kaagad na ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang kahilingan ng kampo ni John Paul Solano na respondent sa kaso ni Atio Castillo na mag-inhibit ang hukom na nag-isyu ng search warrant para mahalughog ng mga pulis ang Aegis Juris Fraternity Library sa Sampaloc, Maynila.

Ito ay sa isinagawang pagdinig kaninang hapon sa sala ni Manila RTC Executive Judge Reynaldo Alhambra.

Si Alhambra ay ang tumatayo ring presiding judge ng Manila RTC Branch 53.

Nag-ugat ang motion for inhibition dahil sa dalawang certified true copy ng application for search warrant na nakuha ng kampo ni Solano na ang isa ay hindi pirmado ni Judge Alhambra, habang ang isa naman ay pirmado niya.

Naghihinala ang kampo ni Solano na pinapanigan ng hukom ang MPD at ang pamilya Castillo na makikinabang sa makukuhang mga ebidensya sa loob ng fraternity library.

Dahil hindi na raw makakaasa ang kampo ni Solano ng patas na pagtrato sa kaso, hiniling nila na magbitiw sa kaso si Alhambra.

Pero sa pagdinig kanina, kaagad na ibinasura ni Alhambra ang motion for inhibition at nanindigan siya na lahat ng mga application for search warrant na lumalabas ng kanyang tanggapan ay pirmado niya.

Samantala, nakabinbin pa rin ang desisyon ng Manila RTC sa kahilingan naman ni Solano na mapawalang bisa ang search warrant dahil ang pinagbatayang probisyon na Section 27 sa ilalim ng Anti-Hazing Law ay non-existing provision.

Pero iginiit naman ng MPD na ang mas dapat manaig sa inihain nilang aplikasyon ay ang mga salitang ginamit dahil malinaw naman na ang pinagbatayan ng search warrant ay ang paglabag sa Anti-Hazing Law. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?