By

Hirit ni Robredo na gawing valid vote ang 25% shading sa balota, ibinasura ng PET

Sharing is caring!

Hindi pinagbigyan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang hiling ng kampo ni Vice President Leni Robredo na ikonsidera bilang valid vote ang 25-percent na shading sa balota.

Sa resolusyon ng PET, tinukoy nito na wala umanong batayan para ipatupad ang 25-percent threshold sa pagtukoy ng valid vote.

Sa mosyon ni Robredo, ginawa nitong batayan sa kahilingan ang 2018 Revisors Guide, Random Manual Audit Visual Guidelines at Random Manual Audit Report kung saan ipinatupad umano ng Comelec ang 25-percent threshold percentage.

Pero ayon sa PET, inacurrate o hindi tama ang argumentong ito ni Robredo.

Paliwanag ng PET, wala itong nalalaman na alinmang Comelec Resolution na nagtatakda ng 25-percent threshold sa shading ng balota para ituring na valid vote.

Hindi umano maaring ituring ng Comelec ang Random Manual Audit Guidelines and Report bilang katibayan ng 25-percent threshold.

Hindi rin umano ito matatagpuan sa Comelec Resolution 8804 na nagsasabing ang alinmang shading na hindi aabot sa 50-percent ay hindi ikokonsidera bilang valid vote.

At kahit inamiyendahan umano ang panuntunang ito ng Comelec sa pamamagitan ng Resolution Number 9164 kung saan inalis ang 50-percent threshold, hindi naman nagpatupad ng bagong threshold ang Comelec.

Sa ilalim naman ng 2018 Revisors Guide, wala ring bagong threshold na ipinatupad.

Tinukoy pa ng PET na walang batayan ang paniniwala ng kampo ni Robredo na mayroong sistematikong pagbawas sa mga boto ni Robredo at ang argumentong ito ay nagpapakita lamang na hindi nauunawaan ng kanyang kampo ang proseso ng revision.

Ayon sa PET, ang final reduction at final addition sa mga boto ay mangyayari lamang kapag nadesisyunan na ng tribunal ang mga objections ng mga partido sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?