18

Jul 17, 2021 @ 11:23
By

Hirit ni Duterte sa APEC: Pantay na distribusyon ng bakuna

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pantay na distribusyon ng mga bakuna sa mga mayayaman at mahihirap na bansa sa mundo.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC)  Informal Leader’s Retreat sa pamamagitan ng video conference.

Ayon sa Pangulo, batid ng lider ng iba’t  ibang bansa na 80% ng COVID vaccines ay napunta sa mga mayayamang bansa at ang natirang 20% ay pinaghahatian ng mga mahihirap na bansa.

Ito aniya ang dahilan kaya may mga bansa pa ring naiiwanan pagdating sa pagbabakuna laban sa COVID-19.

“The Philippines reiterates its call for equitable access to safe and effective vaccines. Global economic recovery hinges on an efficient and effective mass inoculation worldwide,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa  mga lider na dumalo sa APEC na dapat paigtingin ang kolaborasyon sa pagtuklas, paggawa at distribusyon ng COVID-19 vaccines, medical supplies at iba pang lunas lalo na at may mga lumulutang na bagong variants na sumasalanta sa mga tao.

Iginiit din ng Pangulo na dapat mapanatili ang mababang presyo ng mga bakuna para hindi mahirapan ang mga maliliit at mahihirap na bansa.

“APEC economies must resist imposing barriers to the free flow of vaccines and related essential products. We must stabilize vaccine prices to the level that make them more affordable to developing countries,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?