12
contraceptives
By

Hirit ng pro-life group vs 51 contraceptives, sinopla ng CA

Sharing is caring!

Hindi pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang hirit ng pro-life group na Alliance for the Family Foundation Philippines Incorporated (ALFI) na pigilan ang pagpapatupad ng resolusyon ng Food and Drug Administration (FDA) na nagdedeklarang ligtas at non-abortifacient ang 51 kontrobersiyal na contraceptive products.

Sa limang-pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Nina Antonio Valenzuela, tinukoy ng CA Former Special 17th Division na nabigo ang ALFI na dumaan sa kaukulang administrative remedy.

Ayon sa CA, bago dalhin sa korte, dapat ay umapela muna ang ALFI sa Office of the President.

“We deny the petitioner’s motion for reconsideration for failure to exhaust administrative remedies. The petitioner should have filed the appeal with the Office of the President to assail the 51 resolutions of the FDA,” saad sa CA resolution.

Hindi binigyan ng CA ng bigat ang argumento ng ALFI na wala nang saysay para idaan ang kanilang apela sa Tanggapan ng Pangulo dahil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ipatutupad ang Reproductive Health Law.

Dagdag pa ng CA, sa ilalim ng Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 at Executive Order No. 247, ang mga kautusan at desisyon ng FDA ay maaaring iapela sa kalihim ng Department of Health at ang magiging desisyon naman ng kalihim ay maaari namang kuwestiyunin sa Office of the President.

Pero dahil sinabi na ng Korte Suprema sa desisyon nito noong Abril 26, 2017 na maaari nang hindi umapela ang ALFI sa Secretary of Health dahil kasama siya sa mga respondent sa kaso, tinukoy ng CA na ang tamang remedyo ay ang pagdulog ng ALFI sa Office of the President.

Matatandaan na noong Nobyembre 2017, sinertipikahan ng FDA ang 51 contraceptives bilang ligtas at non-abortifacient kasama na ang kontrobersiyal na Implanon at Implanon NXT na kinuwestiyon ng ALFI sa Korte Suprema.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?