54

Jan 13, 2022 @ 16:52
By

Hirit ng mga doktor na Alert Level 4 tinabla ng DOH

Walang nakikitang pangangailangan ang Department of Health (DOH) para itaas sa Alert Level 4 ang status sa Metro Manila sa kabila ng mataas na bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Tugon ito ni Health Undersecretary Leopoldo Vega sa panawagan ng mga doktor sa ilang mga hospital na mayroon ng 80% utilization rate sa kanilang COVID patients.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Vega na nasa kalagitnaan pa lamang ng low at moderate risk ang health care utilization ng mga hospital sa National Capital Region.

Ang pamantayan aniya para sa Alert Level 4 status ay dapat nasa 71% or high risk position sa buong Metro Manila.

“Kaya pa ho, very manageable in spite of the rise of number of cases. Ang hinahanap pa ngayon ay iyong mga isolation areas, facilities para sa mild and moderate situations,” ani Vega.

Ang sinasabi aniya ng mga doktor sa ilang hospital na 80% na sila ay nasa San Juan City, Taguig City, Quezon City at Marikina City, subalit ang pamantayan ay hindi kada lungsod kundi sa kabuuan ng National Capital Region.

“Sa kabuuan, o sa Metro Manila, nasa 60% pa rin ang HCUR. Kailangan lang talaga ang coordination for transfer nitong mga pasyente na nangangailangan talaga ng admissions sa mga hospital na pwede pa, may capacity pa to accept,” dagdag ni Vega. (Aileen Taliping)

Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?