7

May 26, 2021 @ 14:43
By

Hirit ng Comelec official na bumili ng bakuna, kinontra ng DOH

Hindi maaaring makabili ng bakuna si Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Chairperson ng National Vaccination Operation Center.

Ayon kay Cabotaje, wala pang nagbebenta ng bakuna at lahat ng mga dumarating na bakuna sa bansa at dumadaan sa DOH, National Task Force against COVID-19 at yaong may mga hawak na emergency use authority lamang.

“Walang commercially available especially in a very small quantities. Siguro ang sinasabi niyang bibili ng bakuna, we have the law which allows the procurement of vaccines by the local government units even the private sector in coordination with the DOH and NTF,” ani Cabotaje.

Binigyang-diin ng opisyal na lahat ng mga bibilhing bakuna ay dadaan sa gobyerno at maski ang mga nasa pribadong sektor ay sumailalim sa national tripartite agreement bago makabili ng COVID vaccine.

Sinabi ni Cabotaje na inaasahang sa susunod na buwan ay darating na ang mga bakunang binili ng pribadon sektor para sa kanilang mga manggagawa.

“Naghihintay tayo ngayon ng binili ng private sector, they maybe arriving next month,” dagdag ni Cabotaje.

Nauna rito, nag-tweet si Commissioner Guanzon sa kanyang Twitter account na nais niyang bumili ng COVID-19 vaccine para sa kanyang mga empleyado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?