carlos-isagani-zarate

Hirit na taas-pasahe sa LRT, inupakan ni Zarate

Sharing is caring!

Tinawag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na sobrang pagkamanhid at pagkagahaman ang hirit na P5 hanggang P7 dagdag-pasahe ng pamunuan ng LRT Line 1.

Binigyang-diin ni Zarate na hindi napapanahon ang taas-pasahe lalo na ngayong pinapasan ng publiko ang matinding epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Dagdag pasanin na naman ito sa ating hirap nang mamamayan at dapat na tutulan. Isa na naman itong dagdag dahilan para ibasura ang TRAIN,” ani Zarate.

Giit pa ng kongresista, hindi kailangan ang fare hike dahil kumikita ang LRT at MRT.

Aniya, P2.2 billion ang inabot na ticket sales ng MRT noong 2014 habang P1.8 billion lamang ang operational expenses nito, samantalang P2.5 billion ang kita ng LRT at mahigit P1 billion lamang ang ginastos nito.

Sabi ni Zarate, sa halip na dagdag-pasahe, dapat magkaroon na ng refund ng dating fare hike sa LRT at MRT rail systems.

Nanawagan ito sa Korte Suprema na desisyunan na sa lalong madaling panahon ang matagal na nilang petisyon noong 2015 na kumuwestiyon sa basehan ng fare increase sa tren.

“There was no need to increase fares then and even now. Year in, year out, it is a fact that these companies are earning hefty profits, thus, they should be made to absorb the supposed impact of TRAIN and not pass it on to the already overburdened and overtaxed riding public,” dagdag ng mambabatas. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?