64

Dec 19, 2017 @ 12:44
By

Hirit na subpoena kay Sereno, tablado sa Kamara

Walang balak ang House committee on justice na padalhan ng subpoena si Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay ng impeachment proceedings sa Kamara.

Katuwiran ni Oriental Mindoro Rep. Rey Umali, chairman ng komite, maayos naman ang takbo ng proceedings.

Sa ngayon aniya ay sapat na ang mga paliwanag ng resource persons na nakapagbigay-linaw sa mga isyu.

“‘Yan po ay isang issue na hindi namin binibigyan ng halaga. Masalimuot kasi ‘yan e. Ayaw nating magulo ang ating proceeding lalo’t higit maganda na ang takbo,” sabi ni Umali.

Ginawa ng kongresista ang pahayag matapos sabihin ng complainant na si Atty. Larry Gadon na hihilingin nito sa mga kongresista na i-subpoena si Sereno kung patuloy na hindi haharap sa impeachment hearing sa Enero.

Ayon kay Umali, umaasa silang makadadalo sa mga pagdinig ang Punong Mahistrado pero hindi pag-uusapan sa komite ang anumang kahilingan ni Gadon para sa subpoena.

“Sinabi na namin na kung puwede ay manahimik na muna si Atty. Gadon para hayaan ang komite na magsagawa ng pagdinig para sa malinaw na katapusan ng impeachment proceeding,” giit ni Umali. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?