48

Jul 6, 2018 @ 17:40
By

Hirit na Senate hearings sa Crame, sinusuri na ng PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na natanggap na nila ang sulat ni Senate President Tito Sotto na humihiling na makapagsagawa ng committee hearings ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima sa loob ng custodial center.

Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Bong Durana, inihahanda na nila ang kanilang tugon sa kahilingan ni Sotto.

Aniya, binigyan na nila ng kopya ng sulat ang kanilang mga abogado para pag-aralan ang kahilingan.

Sinabi pa nito na titimbangin nila ang binanggit ng senador na kailangan nang matalakay ng Senate Committee on Social Justice na pinamumunuan ni De Lima ang mga nakabinbing mahahalagang resolusyon.

Binanggit lang nito na ikinokonsidera lang din nila ang seguridad sa loob ng kulungan kapag nagsagawa ng pagdinig sa loob ng detention facility.

Sa sulat tiniyak ni Sotto na susunod sila sa mga alituntunin ng pambansang pulisya na pinaiiral sa pasilidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?