33

By

Hirit na martial law extension, unconstitutional – Drilon

Sharing is caring!

Mariing sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na labag sa Konstitusyon ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na palawigin ang pinaiiral na martial law sa buong Mindanao.

Binigyang-diin na wala itong basehan, maging ang pagpapasuspinde sa privilege of the writ of habeas corpus.

Ikinakatuwiran ng AFP at PNP na may banta na maghahasik ng terorismo ang mga naiiwan pang kasapi ng Maute group gayundin ang mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay Drilon, hindi batayan ng deklarasyon ng martial law ang banta ng karahasan.

Tinukoy na sa Seksyon 18 ng Artikulo 7 ng Konstitusyon, nakasaad na maaari lang pairalin ang martial law kapag kinakailangan para sa kaligtasan ng publiko dahil may “invasion or rebellion” o pananakop at rebelyon.

Ibig sabihin din nito, maaari lang palawigin ng Kongreso ang martial law kung nananatili ang pananakop o kaya ay rebelyon. Wala naman daw nito ngayon sa buong Mindanao.

Kung banta ng terorismo ang kailangang bantayan, sinabi ni Drilon na kaya na itong tugunan ng kapangyarihang taglay ngayon ng AFP at PNP batay sa kanilang charter. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?