27
zaldy
By

Hirit na makapagpiyansa ni Zaldy Ampatuan, tinabla ng CA

Sharing is caring!

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na pagbasura sa kahilingan ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na akusado sa Maguindanao massacre case kung saan 58 ang namatay kabilang na ang 30 mamamahayag.

Sa 23-pahinang resolusyon ng CA 8th Division na isinulat ni Associate Justice Marie Christine Azcarraga-Jacob, ibinasura ng appellate court ang apela ni Ampatuan dahil sa kawalan ng merito.

Hindi kumbinsido ang CA sa argumento ni Ampatuan na nabigo ang prosekusyon na magprisinta ng kapani-paniwalang ebidensya bilang suporta sa kanilang paratang na isa siya sa mga nakipagsabwatan para isakatuparan ang karumal-dumal na krimen.

“History will never forget the atrocities perpetrated on 23 November 2009, when 57 innocent civilians were massacred in Sitio Masalay, Municipality of Ampatuan, Maguindanao Province,” dagdag ng CA.

Dahil dito, hindi binaligtad ng CA ang findings ng mababang hukuman na may “strong evidence of guilt” laban kay Ampatuan kaya hindi siya dapat payagang makapagpiyansa.

“In the instant case, the evidence on record would suggest that, while there may be doubts as to petitioner’s overt act that may result in his criminal liability by reason of conspiracy, the presumption is great that he is probably guilty of the charges, therefore, bail should be refused,” ang bahagi ng desisyon.

Matatandaan na noong Nobyembre 23, 2009, 58 ang napaslang kasama ang 32 mamamahayag nang tambangan sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao ang kanilang grupo habang patungo sa kapitolyo ng lalawigan para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ni dating Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu.

Ang COC ay para sa pagtakbo ni Mangudadatu sa pagka-gobernador ng Maguindanao kung saan nakalaban niya si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na pangunahing akusado sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?