45
Hirit na makapagpiyansa ng 2 akusado sa P6.4B shabu shipment, binasura
Mar 14, 2019 @ 17:12
By

Hirit na makapagpiyansa ng 2 akusado sa P6.4B shabu shipment, binasura

Hindi pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court ang mosyon ni Customs fixer Mark Ruben Taguba II na makapagpiyansa sa kaso nito kaugnay sa naipuslit na P6.4 billion na halaga ng shabu shipment noong 2017.

Sa resolusyon ng Manila RTC Branch 46, ibinasura rin ng korte ang petition for bail ng kapwa akusado ni Taguba na si Eirene Mae Tatad na consignee ng shabu shipment mula sa China.

Sinabi ng korte na naipakita ng prosekusyon na malakas ang ebidensya laban kina Taguba at Tatad sa kasong importation of illegal drugs at conspiracy.

Tinukoy ng hukuman ang pag-amin ni Taguba na siya ang nagproseso sa pagpasok sa bansa ng container van na pinaglagyan ng shabu shipment at siya rin ang may-ari ng trak na nag-deliver nito.

Sa panig naman ni Tatad, inamin nito na pumayag ito na gamitin ang kanyang trading firm bilang dummy consignee sa shabu shipment kapalit ng “minimal fee”.

Nilinaw naman ng Manila court na hindi pa tinatalakay sa resolusyon ang merito ng kaso at bigat ng mga ebidensya laban sa dalawa.

Parehong nakapiit sina Taguba at Tatad sa Manila City Jail dahil sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, para sa mga kaso na ang katapat na parusa ay reclusion perpetua, hindi papayagan na makapagpiyansa ang akusado kung ang “evidence of guilt” ay matibay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?