152

Nov 7, 2017 @ 17:09
By

Hirit na makalaya ni Janet Napoles, sinopla ng SC

Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang hirit ng negosyanteng si Janet Lim Napoles na pansamantalang makalaya mula sa kulungan.

Partikular na inaksiyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon ni Napoles na may kinalaman sa pagiging akusado niya sa umano’y anomalya sa paggamit ng pork barrel allocation ni dating Senador Juan Ponce Enrile.

Sa desisyon ng Korte Suprema, ibinasura nito ang petisyon ng itinuturong pork barrel queen na kumukuwestiyon sa resolusyon ng Sandiganbayan Third Division noong Oktubre 16, 2015 at Marso 2, 2016 na nagbasura sa kanyang petition for bail.

Sinopla ng Sandiganbayan ang kanyang petisyon matapos ideklarang matibay ang “evidence of guilt” laban sa kanya.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, walang naging grave abuse of discretion o pagmamalabis sa panig ng Sandiganbayan nang ibasura nito ang petisyon ni Napoles.

Si Napoles ay nahaharap sa kasong plunder at graft dahil sa umano’y anomalya sa P345 milyon na halaga ng Priority Development Assistance Fund o PDAF allocation ni Enrile na umano’y napunta sa mga pekeng non-government organization na konektado kay Napoles. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?