13

Sep 13, 2021 @ 12:21

Hirit na buksan na ang mga negosyo para sa mga bakunado pag-uusapan ngayong Lunes

Walang ibang paraan kung hindi magbukas ang mga negosyo para makabawi ang bansa sa matinding pagkalugmok.

Ito ang inihayag ni Presidential Adviser for Economic Affairs Secretary Joey Concepcion  kaugnay sa hirit nito sa gobyerno na payagan na ang pagbubukas  ng mga restaurant para sa mga bakunadong mamamayan.

Sinabi ni Concepcion na mag-uusap ngayong Lunes ang kanilang sektor kasama sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, DILG Secretary Eduardo Año, mga opisyal ng Department of Health at OCTA Research para pag-usapan ang kahilingan ng busness sector.

“Mukhang maa-approve na siguro ito as a pilot test, hinihintay natin yan kasama na siguro dito yung granular lockdown na gagawin nila.May townhall meeting kami ngayon kasama sina Secretary Galvez,kasama sina Secretary Año, OCTA,DOH. Malalaman natin kung anong mangyayari dito,” ani Concepcion.

Mahalaga aniyang makapagbukas  ng negosyo ang pribadong sektor lalo na ngayong huli quarter ng tain para makabawi sa matinding  pagkalugi mula sa mga ipinatupad na lockdowns dahil sa COVID pandemic.

“Ang tingin ko dito wala na tayong ibang puwedeng gawin kung hindi yan eh. Importante dito yung last quarter natin,babawi ang mga negosyante sa ilang buwan na lockdown tayo,” dagdag ni Concepcion.

Binigyang-diin ng kalihim na posibleng umabot sa trilyong piso ang gastos ng gobyerno dahil sa epekto ng pandemic kung magtutuloy-tuloy ang lockdown kaya mahalagang magtulungan ang gobyerno at business sector.
Sinabi ni Concepcion na kung hindi magbubukas ng mga negosyo ay walang magiging kita ang gobyerno mula sa tax na kanilang binabayaran kaya mahalagang mabalanse ang pagtugon sa isyung pangkalusugan at ekonomiya.

“Kailangan buksan talaga kasi yung revenue galing yan sa private sector eh, yung mga nagbabayad ng tax. Kung walang trabaho walang tax, kung sarado ang business eh di wala ring babayaran no, consumption, may vat yan , lahat yan ay mawawala sa revenue ng gobyerno and it is not a model that is not sustainable,” wika ni Concepcion. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?