328

Oct 24, 2017 @ 15:32

Hirap makahanap ng trabaho, lalaki nagbigti

Natagpuang nakabigti ng kable sa kisame sa loob ng kanyang silid ang isang 28-anyos na lalaki ng kanyang ina at mga kapatid kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Batay sa inisyal na report na natanggap ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan si Roger Cortez Mangampo Jr., walang trabaho, na nakabigti ng kanyang ina na nakilalang si aling Victoria at mga kapatid sa loob ng kanyang silid na nasa ikalawang palapag ng kanilang tahanan sa South 17 Scout Tobias cor. F. R. Martinez St., Brgy. Obrero, dakong alas-5:45 ng hapon.

Sa pahayag sa pulisya ni aling Victoria, pinuntahan umano niya ang anak na si Roger sa silid nito upang gisingin dahil hapon na, subalit ilang minuto na umano siyang kumakatok sa pintuan nito ay wala pa ring nagbubukas.

Dahil dito, minabuti ng ina na tawagin ang anak niyang babae na nakilalang si Ruby Rose Camonyas upang hingin ang tulong nito. Makailang ulit ding kumatok ito at nang hindi pa rin sumasagot ang biktima ay puwersahan na nilang sinira ang pintuan ng kuwarto nito.

Nagulantang ang mag-ina nang bumungad sa kanila ang nakabiting katawan ni Roger. Agad na pinagtulungan umano nina aling Victoria at Ruby Rose na ibaba si Roger mula sa kisame kung saan nito itinali ang cable wire na ipinulupot sa leeg.

Mabilis namang humingi ng saklolo ang mag-ina sa kanilang barangay captain na siya namang nag-report sa himpilan ng pulisya.

Samantala, tumanggi naman ang isa pang kapatid ng biktima na nakilalang si Reachel Loverisa na paimbestigahan pa ang pagbibigti ng kanyang kapatid na lalaki.

Aniya, hindi na sila interesado pang paimbestigahan ito dahil kumbinsido sila na nagpakamatay ang kapatid. Posible umanong napagod na ito sa kahahanap ng trabaho at dahil sa walang makita ay nagkaroon ito ng depresyon at nagdesisyong magpakamatay.

Nabatid na nitong mga huling araw ay napapansin na ng mga kapatid ang palaging bugnutin, malungkutin at pagkukulong ni Roger sa loob ng kanyang silid. Wala naman ang kinakasama nitong babae nang matagpuan ang biktima.

Ang labi ng biktima ay dinala sa PNP Crime laboratory para maawtopsiya. (Dolly B. Cabreza/Trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?