ginigundo
By

Hindi TRAIN law ang nagpataas ng presyo ng bilihin – economic managers

Sharing is caring!

Kinontra ng mga economic manager ng Duterte administration ang panawagan ng ilang senador na suspendihin ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law sa gitna ng pagtaas ng inflation at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa TRAIN, tinaasan ang excise tax sa petrolyo at ang buwis sa ilang produkto at serbisyo.

Sa pagdinig ng Senate committee on economic affairs, sinabi ni Bangko Sentral Deputy Governor Diwa Guinigundo na hindi ang tinaasang buwis sa petrolyo ang nagpapataas ng inflation.

Pangunahing dahilan na itinuro ang pagtaas ng aktuwal na presyo ng petrolyo sa world market na bunsod umano ng pagtitipid sa produksyon nito ng mga bansang nag-e-export ng petrolyo.

Nakaapekto rin aniya sa inflation ang artipisyal na kakapusan ng bigas sa pagpasok nitong taong 2018 na bunsod naman ng pag-unti ng imbak ng bigas ng National Food Authority.

Sinabi rin ni Finance Undersecretary Gil Beltran na mula $50 kada bariles ng petrolyo noong nakaraang taon, pumalo ito ngayon sa halos $70 habang tumaas din ang presyo ng tobacco products ng 40 porsiyento.

Ayon naman sa Department of Trade and Industry, maliit ang epekto sa presyo ng mga bilihin ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil bahagi lang ito ng production cost ng produkto na nasa 5% lamang.

Sa sample computation ng DTI, sa presyo ng isang lata ng ordinaryong sardinas, hanggang P0.25 lang ang nadagdag sa presyo nito dulot ng TRAIN law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?