74

Oct 3, 2017 @ 16:45

Hindi pwedeng diktahan si PDu30 – Palasyo

Nasa pagpapasya na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung pipirmahan o hindi ang waiver para buksan ang kanyang bank account sa bangko.

Ito ang sagot ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa inilunsad na online petition ng change.org na humihiling kay Pangulong Duterte na pirmahan na ang waiver para mabuklat ang kanyang bank records at para mabatid kung tama o mali ang akusasyon sa kanya ni senador Antonio Tillanes IV.

Ayon kay Abella, prerogative na ng Pangulo na gawin kung ano ang inaakala nitong tamang gawin at hindi ito maaaring diktahan ng kahit na sino.

“It will be the President’s prerogative to do what he needs…he feels he needs to do,” ang maiksing pahayag ni Abella.

Naunang inihayag ng Pangulo na panahon pa ng eleksiyo ang akusasyon sa kanya ni Trillanes na may mahigit 200 million pesos sa bangko subalit wala naman aniyang maipakitang ebidensiya ang senador.

Nanindigan ang Presidente na hindi siya ang maglalabas ng kanyang bank records bagkus dapat patunayan ni Trillanes ang kanyang akusasyon at huwag itong daanin sa puro ingay lang.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?