Hindi politiko si President Duterte

Sharing is caring!

By Bruce Rivera

Bagama’t marami ang iismid kung sasabihin ko na hindi politiko ang Pangulo, pero totoo ‘yan. Lahat na ginawa ni Duterte kahit hanggang ngayon ay hindi gawain ng isang politiko.

Marahil marami ang nagtatanong sa inyo kung may basbas ba ng Pangulo ang pagsabi ni Speaker Alvarez sa kanyang senatorial line-up para sa 2019 elections. Para kasi sa akin, walang pakialam ang Pangulo sa eleksiyon dahil nanalo na ito.

Ayaw na nitong makigulo pa lalo na at hindi naman nagpapahiwatig si Inday Sara na gusto nito ang pagiging senador. Hindi ko sinasabing hindi mangyayari pero nu’ng tinanong ko kasi siya, ang sagot niya, “Masyadong maaga para magsabi na tatakbo at wala pa akong napatunayan sa bayan para mangahas magsabi na gusto ko magiging senador. Nakakahiya.”

Kaya hindi ko na siya tinanong ulit. Tulad ng ama, hindi politiko ang anak niyang babae. Noong kami ay nasa law school, tumakbo si Sara sa student council habang isa ako sa miyembro ng Comelec ng school. Nanalo siya pero dinaan ang kampanya hindi sa papogi kundi kinuha sa kamalditahan. Mana ata sa tatay.

Si President Duterte noong nagsisimula na magkairingan si Binay at Roxas ay wala pa sa radar ng mga botante. Hindi pa siya kilala.

Ginawa lang niya ang kanyang trabaho ng walang halong papogi o paepal. Habang halos nagpapatayan na si Binay at Roxas tapos da­han-dahang nagpa­kitang gilas si Grace, wala pa ring ginawa si Duterte.

Tinulungan ang mga biktima ng Yolanda na walang drama at media. Lumabas lang ito sa kampanya dahil may umungkat kung may nagawa ba siya sa bayan kasi nga tinanong ng mga kalaban niya.

Ang totoo, kung politiko si Duterte, sa dami nang ginawa niya na puwede ipamalita, wala tayong narinig. Sabihin man nating may ginawa ring ganyan si Jesse Robredo pero mas nauna si Duterte sa paggawa nu’n at hindi niya pinalabas sa media sa labas ng Davao City.

Kaya nu’ng eleksiyon ng 2016, nakita ng mga botante si Duterte bilang isang tunay na public servant.

Sana naman ‘yung mga nagnanais sumunod sa kanyang yapak ay tularan siya. 2017 pa lang po. Ang tagal pa po ng halalan. Pero parang ang lapit na ng eleksiyon kung maka-emote kayo. Kaya tuloy marami na ang sumisigaw ng RevGov dahil kahit sa panahon ni Duterte, ang dami pa ring trapo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?