31

Jan 14, 2022 @ 13:06
By

Hindi pa available! Home treatment package ng PhilHealth, ampaw — Nancy Binay

Kinastigo ni Senadora Nancy Binay ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa tila panloloko nito sa kanilang miyembro hinggil sa “home treatment” package para pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Binay, ang mga pasyente na ayaw manatili sa community isolation units (CIU) o health facilities ay mas ginustong mag-home quarantine na lang.

Sinubukan nilang kumuha ng COVID-19 Home Isolation Benefit Packages (CHIBP) ng PhilHealth subalit nadiskubreng anim lang ang accredited na providers sa bansa at wala nito sa National Capital Region.

“Parang paulit-ulit na lang itong lokohan. Kawawa na naman ang mga kababayan nating umasa na may ganitong tulong, na hindi naman pala talaga nila mapapakinabangan,” sabi ni Binay.

“’Wag na sanang paasahin ang mga tao sa wala. May sakit na nga, pakiramdam mo pa eh parang na-scam. Halos one year na itong pino-promote, pero ampaw pala,” punto pa nito.

Isinusulong ng PhilHealth ang CHIBP sapul pa noong Agosoto 2021 para sa mga miyembrong nagpositibo sa COVID-19 subalit mas ginustong tumaggap ng health support sa kanilang mga tahanan.

Sabi ni Binay, ang CHIBP ay dapat available sa mga pasyenteng nakapasa sa parehong clinical at social criteria sa mga lugar na idineklara ng IATF na mataas ang kaso ng virus.

“Everything should have already been in place prior to its launching last year, otherwise, parang malaking PR stunt lang ang Home Isolation Benefit Package para lang masabing may programang ginagawa ang PhilHealth para sa members,” anang senadora.

Ayon pa kay Binay, halos isang taon na pero walang nakakaalam kung ano ang proseso para ma-avail ang package.

“May mga kaibigan kami at kakilala na tinamaan ng Covid na nahihirapang lumabas para magpa-ospital, kaya gusto nilang mag-avail ng home treatment package. Nakaka-dismaya dahil di naman pala ito available,” sabi ng mambabatas.

“Ang tanong: Why advertise and promote something which is not available in the first place? It’s grossly misleading, unreliable and openly irresponsible. It’s an institutional fail,” diin pa nito. (Dindo Matining)

Jak Roberto isiniwalat kung kailan siya na-inlab kay Barbie Forteza

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?