113

Dec 18, 2017 @ 17:42
By

Hindi nakapag-swimming, pumatay

Patay ang isang lalaki habang kritikal naman ang tatlo pa matapos na pagsasaksakin at pagbabarilin ng isang grupo naman ng mga kalalakihan na nagpumilit na mag-swimming sa binabantayang pool ng isa sa mga biktima sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina PO1 Eddielou Alon at PO1 Dennis Cano ng Caloocan City Police-North Extension Office, ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Robes Mini Mart Compound sa Ama A. Robes I, Barangay 175, Camarin.

Kasalukuyan umanong naroroon ang isa sa mga biktimang si Rodilo Borlasa, 38, caretaker ng isang private pool sa lugar, nang lapitan siya ng hindi bababa sa apat na mga suspek at sabihing gusto umano nilang mag-swimming sa binabantayang pool ng biktima na tinanggihan ni Borlosa dahil sa gabi na at sarado na sila.

Nagalit ang mga suspek at bumunot ng mga patalim saka pinagsasaksak ang biktima, matapos ang insidente ay lumabas ng nasabing establisiyimento ang mga salarin at doon ay ilang sunod-sunod na putok ng baril naman ang umalingawngaw sa lugar, kasabay ng pagbulagta ng tatlo pang mga biktimang nakilalang sina Ariel Sangalang, 26, tricycle driver; Roel Catamora, 22, at Julius Garcia, 38, na pawang ng nasabi ring lugar.

Nagsitakas ang mga salarin habang mabilis na isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktima ngunit hindi na pinalad pang maisalba si Sangalang habang kritikal ang kondisyon ng tatlo pang biktima. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?