96

Nov 11, 2019 @ 19:29
By

Hindi na sapat ang kita, abonado pa! Supplies allowance ng guro sinusulong ni Poe

Hindi na umano mabubutas ang bulsa ng mga guro sa pag-abono sa pagbili ng chalk at iba pang teaching material kapag naisabatas ang panukala na magbibigay sa kanila ng P5,000 chalk allowance, ayon kay Senadora Grace Poe.

Ginawa ng senadora ang pahayag matapos i-sponsor ang Senate Bill 1092 o Teaching Supplies Allowance Act 2019 na naglalayong bigyan ng karagdagang allowance ang mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi ni Poe na layunin nito na mabawasan ang pasanin ng mga guro na nag-aabono pa sa pagbili ng teaching material sa kabila ng maliit nilang suweldo.

“Hindi na sapat ang kinikita, abonado pa. Ito ang taun-taong daing ng ating mga guro na ating tutugunan,” ani Poe.

“Lagi po natin inilalaban na hindi dapat manggaling sa mga guro ang pambili ng chalk at iba pang kailangan nila sa pagtuturo,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan, P3,500 lamang ang chalk allowance ng mga guro sa mga pampublikong paaralan kada taon.

Ayon kay Poe, tungkulin umano ng gobyerno na tiyakin na ‘motivated’ pa rin ang mga guro at bigyang halaga ang kanilang napakahalagang papel sa paghubog sa mga kabataan na maging epektibong lider sa hinaharap.

“Our county produces children at an astounding rate. By the end of this day alone, we will have around 4,600 new infants to clothe, house, feed, and educate,” ani Poe.

“If we want these children to become productive citizens, then we must invest in our educational system, particularly in our public school teachers,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?