291

Apr 1, 2020 @ 11:47
By

Hindi na kinaya ang gutom! Mga residente sa QC, nagbarikada

Hawak-hawak ang ilang mga signage, pinaabot ng mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City na sila’y nagugutom na dahil anila, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.

Sa report ng dzBB, pinagdadampot ng mga pulis mula sa Quezon City Police District ang ilang residente ng Sitio San Roque matapos bumuo ng barikada para ilabas ang kanilang hinaing.

Anila, wala pa kasing nakakaabot na tulong sa kanila mula sa LGU ng QC, gayundin sa national government maging sa kanilang barangay.

Dahil dito’y dinakip ng mga pulis ang ilang sumama sa barikada dahil hindi na naipapatupad ang social distancing sa lugar.

Ang nasabing barikada ay binuo ng mga residente sa gilid ng EDSA, lampas ng Quezon Avenue patungong Trinoma.

Saad sa report na nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga pulis at residente, kung saan nauwi pa sa batuhan at pulasan ng mga barikada dahilan para magkahabulan pa papasok sa Sitio San Roque.

Ilang residente ang sinakay sa police mobile dahil sa nasabing insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?