191
jv-kiko
Mar 25, 2018 @ 14:28

Hindi na dapat magtampo si JV; ipinaglaban ko siya – Koko

Tiniyak ni Senate President Koko Pimentel III na ipinaglalaban niyang makasama sa senatorial slate ng PDP Laban ang limang kapwa senador na reeleksyunista.

Tinukoy sina Senador JV Ejecito, Sen. Grace Poe, Sen. Nancy Binay, Sen. Sonny Angara at Sen. Cynthia Villar.

Ayon kay Pimentel, ipinaglalaban niya ang mga nabanggit dahil kasamahan niya sa majority bloc na sumusuporta sa kaniyang pamumuno sa Senado.

Sumuporta rin sila sa legislative agenda ni Pangulong Duterte kaya mabilis na naipasa ang maraming batas gaya ng Tax Refom Law, Free Tuition Law, Free Irrigation Law at ang umuusad na panukalang Bangsamoro Basic Law.

Dahil dito, hindi aniya dapat magtampo sina Ejercito.

Una nang sinabi ni Ejercito na magsasama-sama silang mga reeleksyunista na tinaguriang “The Force” dahil hindi sila isinasama sa listahan ng PDP laban.

Inihayag ni Ejercito ang tampo kay Pimentel at isinumbat ang mga naitulong dito.

Sinabi pa na nakikipagnegosasyon sila kay Davao City Mayor Sarah Duterte na may sariling partido pulitikal na Hugpong Pagbabago.

Ayon kay Pimentel, puwede namang makasama sa slate ng PDP laban kahit nagpapasuporta sa ibang partido at grupo, kahit pa iyon ay homeowners association at PTA o Parents-Teachers Association.

“Hindi naman nila alam ang nangyayari behind closed doors. Siyempre inilalaban ko yan na magka reserve slots sila sa PDP Laban,” ani Pimentel.

“Nandito kami sa stage na kapartido muna ang ini entertain namin. Nothing is final pa naman. Kokonsultahin din namin si presidente,” sabi pa nito.

Para makasama sa kanilang senatorial slate, kailangan aniyang bukas sa federalism ang kandidato.

“At least open sa federalism. Hindi naman puwedeng kasama sila sa slate tapos kontra nang kontra, hindi naman po pwede yun,” ani Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?