159
magdalo-gary-alejano
By

Hindi man lang umalma, suko na agad sa China

Nakakapagpuyos ng damdamin na mayroon tayong Pangulo na tila wala namang balak na ipagtanggol ang ating mga teritoryo mula sa lumalakas na banta sa ating pambansang seguridad.

Nitong nakalipas na linggo, mas pinaigting pa ng China ang kanilang militarisasyon sa South China Sea. Ang China ay nagdeploy na ng mga nuclear-capable bomber aircrafts sa Woody Island na pinagtatalunang teritoryo ng Vietnam at China. Ang range ng mga bombers na ito ay kayang tamaan ang kabuuan ng Pilipinas, Indonesia, Singapore, Malaysia, at Vietnam.

Kung inyong matatandaan noong nakalipas ng buwan ay naglagay na rin ang China ng mga missiles sa mga inagaw nilang isla sa Spratlys sa West Philippine Sea. Ang mga missiles na ito ay kaya ring umabot kahit sa mga barkong nakadaong sa katubigan ng Palawan. Ganito kalapit ang mga kagamitang pandigma ng China.

Habang tumatagal, lalong tumataas ang tensyon sa buong rehiyon. Tumataas din ang banta sa ating seguridad dahil hindi lang mga military planes at warships ang ipinaparada ng China sa kundi mayroon na ring mga eroplanong armado na ng nuclear weapons.

Sa kabila ng klaro at napakalapit na banta sa ating pambansang seguridad ang ating Pangulo na nanumpa na ipagtatanggol ang bansa ay patuloy ang pananahimik at pag-eesplika para depensahan ang China at at kawalang-aksyon ng kanyang administrasyon. Hindi katanggap-tanggap ang makitid na pangangatwiran ni Duterte na gulo ang mangyayari kapag ipinaglaban natin ang mga teritoryong inaangkin ng China. Hindi lamang giyera ang sagot sa isyung ito tulad na lamang ng gnawing pagsampa ng kaso ng nakaraang administrasyon.

Sa katunayan, pumabor sa atin ang desisyon sa kasong inihain natin sa United Nations Permanent Court of Arbitration (PCA). Ito sana ay napakalakas na alas natin laban sa China kung ginamit lamang ng administrasyong Duterte. Ang PCA ruling ay nagamit sana sa mga pag-uusap kasama ng iba pang mga bansa na mayroon ding interes sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea. Ang PCA ruling ay nagamit sana para itipon ang suporta ng iba’t ibang bansa at itulak ang China na sumunod sa international laws.

Hindi tayo dehado kung magiging matalino lamang tayo sa ating mga estratehiya at aksyon. Maraming paraan ang Pangulo kung gugustuhin niya lamang pero tila tuluyan na tayong isinuko ni Duterte sa China. Kahit simple at direktang pag-alma lamang mula sa Pangulo ay wala tayong narinig. Ngayon, tila suko na agad nang wala man lamang ginagawa ang administrasyong Duterte para ipagtanggol ang ating mga interes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,