116

Oct 28, 2017 @ 15:15

Hindi lahat ng sumailalim sa Oplan Tokhang ay adik – SWS

Halos kalahati ng mga Pinoy ang naniniwalang hindi lahat ng ipinapatawag sa “Oplan Tokhang” o nasa listahan ng pulisya na sangkot sa iligal na droga ay drug addicts at pushers.

Ayon sa ulat sa Radyo Singko, ito ang kinalabasan ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 49% ang nagsabing hindi lahat ng pinatatawag sa “Oplan Tokhang” ay adik at pushers, 36% ang nagsabing lahat sa kanila ay adik at pushers, habang 14% naman ang nagsabing hindi nila alam.

Isinagawa ang survey noong Setyembre 22-27.

Pinakamalaking bahagi na ipinatawag sa “Tokhang” ang mga nasa Metro Manila kung saan umabot ito ng 50% at pinakamababa naman ang Mindanao na 41%.

Sa personal na kaalaman naman na ipinatawag sa “Tokhang” na dawit sa drugs, pinakamataas sa Metro Manila na umabot ng 31%, sinundan ng Luzon at Mindanao na parehong 25% at Visayas sa 22%

Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng pag-i-interview nang personal sa 1,500 respondents.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?