171

Sep 24, 2019 @ 22:00
By

Hindi lahat ng biktima gusto ng death penalty – CHR

Inihayag ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi umano lahat ng biktima ng karumal-dumal na krimen o kahit pa drug-related crime ay gustong maghiganti at gustong buhayin ang parusang kamatayan sa bansa.

Ito ang reaksyon ng CHR sa isinagawang unang pagdinig ng House Committee on Justice sa mga panukala na layong buhayin ang death penalty sa bansa.

“Not all victims want revenge, and not all of them are for death penalty,” saad ni CHR Commissioner Karen Dumpit.

Inihalimbawa ni Dumpit ang kaso ng aktres na si Cherry Pie Picache, na nagawang mapatawad ang pumatay sa kanyang ina.

Maging si Clara Sarmenta, na ina ng rape-slay victim na si Eileen Sarmenta, ay mas gusto umanong pagdusahan sa kulungan ng convicted murderer-rapist na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at anim na iba pa ang ginawa sa kanyang anak.

Ipinunto rin ng CHR chief ang resulta ng March 2018 survey ng Social Weather Stations sa 2,000 respondents na tatlo sa 10 Filipino lang ang pabor sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Diin pa ni Dumpit, maaaring mapuksa ang krimen sa pagpapanagot sa mga salarin nang hindi gumagamit ng death penalty dahil magiging daan lang umano ito para lumaganap ang kultura ng karahasan sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?