162

By

Hindi ko pinapatahimik ang mga kritiko ko! – Duterte

Itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bintang ng oposisyon na isa-isa na niyang pinatatahimik ang kanyang mga kritiko.

Sa harap ito ng pagpawalang-bisa sa amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV na isa sa mga masugid na kritiko nito bago pa man ito naging Presidente ng bansa.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya gawaing magpatahimik bagkus ay hinahayaan lamang niya ang mga ito.

Katunayan ayon sa Pangulo ay malayang nakapagsasalita ang kanyang mga kritiko at nagpapa-interview pa sa media kaya maling sabihin na pinatatahimik ang mga ito.

“The fact that they are talking to you and are being interviewed, is that not enough to tell you that… sila nga ang nagsasalita diyan, ako tahimik lang eh,” anang Pangulo.

Inihayag ng oposisyon na nauna nang pinatahimik ng Presidente sina Senator Leila de Lima at dating Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno at isinunod na si Trillanes.

Maging si Vice-President Leni Robredo ay hindi rin nakaligtas sa Pangulo na aniya ay “feeling great”, puro dasal pero hindi kailanman magiging Presidente.

“Hindi ko kasi sinasagot, alam mo bakit? Kung bigyan mo ng importansiya yang sila, feeling great sila. Gaya ni Leni, she can never be a president. Puro dasal…. kung pinakinggan lang ako ng Diyos nila, walang mangyayari sa buhay ko,” dagdag pa ni Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?