428

Jul 6, 2019 @ 16:06
By

Hindi kasya sa SONA: Mga nagawa ni Duterte, ibibida sa Pre-SONA

Aabutin umano ng tatlong araw kung ilalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 22 ang lahat ng accomplishments ng kanyang administrasyon sa nakalipas na tatlong taon.

Ito ang dahilan kaya mayroong Pre-SONA activities na inilunsad ang mga miyembro ng gabinete na sinimulan sa Manila at susundan ito sa Cebu sa July 10 at panghuli sa Davao sa July 17.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na mahabang oras ang gugugulin kung iisa-isahin ni Pangulong Duterte ang kanyang mga nagawa sa nakalipas na tatlong taon kaya inilarga nila ang Pre-SONA.

Sa darating na July 10 ani Nograles ay magiging tampok sa Pre-SONA sa Cebu ang mga programa at nagawa ng mga ahensiya tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government at Department of Budget and Management.

“Doon sa SONA ni Pangulo, hindi puwedeng ilagay doon ang lahat ng facts and figures. Imposible po talaga kasi kung gagawin natin ‘yan, aabutin po tayo ng tatlong araw kaya ang ginawa natin, ‘yung tatlong Pre-SONA activities para dito na natin ibabahagi kung ano pa ‘yung mga factual,” ani Nograles.

Ang mga kuwento at testimonya ng mga natulungan ng administrasyon at mga nagawang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino ay ginagawa na sa Pre-SONA para pagdating ng SONA ng Presidente ay hindi na kailangang ulitin.

Isa na rin aniyang paraan ito para hindi mapagbintangan ang gobyerno na kulang ang report sa taumbayan.

Sinabi ni Nograles na ang babanggitin na lamang ng Pangulo sa kanyang SONA sa July 22 ay ang kanyang policy direction at ang laman ng kanyang puso at isip na nais ibahagi sa mga Pilipino.

“Sa SONA ng Pangulo, hindi na niya kailangang banggitin pa muli ang mga nasabi na sa Pre-SONA at diretso na lamang ito sa kanyang pinaka-punto de vista, kung ano ‘yung gusto nitong sabihin sa taumbayan,” dagdag pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?