311

Apr 1, 2020 @ 19:05
By

Hindi iligal magbigay ng opinyon! Vico pumalag sa NBI

Agad-agad na naglabas ng pahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos sabihin ng National Bureau of Investigation Anti-Graft Division na nagpadala na ng sulat sa kanya para magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat panagutin sa pagpayag na makabiyahe ang mga tricycle driver kahit pa may transportation ban.

Sa kanyang tweet nitong Abril 1, giniit ni Sotto na sumunod ang lungsod sa lahat ng direktiba ng gobyerno.

Hindi aniya iligal ang pagbibigay niya ng opinyon.

Kinuwestiyon din nito ang paggamit sa “Bayanihan to Heal as One Act” para siya’y panagutin na Marso 24 daw naging batas.

“They’re asking for an “explanation on the alleged violation of the Bayanihan to Heal as One Act (e.g. continuous tricycle operation)” We complied with all directives. Hindi po illegal magbigay ng opinyon. …at alam kaya nila na March 24 naging batas ang Bayanihan Act?” ani Sotto.


Matatandaang Marso 17 nang payagan ng alkalde ang mga tricycle driver na makapasada sa kabila ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Kulang na kulang daw ang kanilang mga sasakyan para sa mga papasok sa trabaho at mga medical staff kaya’t hindi kayang i-ban ang mga tricycle sa kanilang lungsod.

Kaya nanawagan siya sa gobyerno na payagan na ang mga tricycle driver.

Pero matapos itong soplain ng Department of the Interior and Local Government dahil sa pinatutupad na social distancing kontra COVID-19, pumayag si Sotto na sumunod sa transportation ban.

“So far, Mayor Vico already informed us that he will abide with the guidelines in enhanced community quarantine,” sabi noong Marso 20 ni National Capital Region Police Office chief Major Gen. Debold Sinas. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?