172
ABANTE pacquiao bible day
Mar 20, 2018 @ 20:40
By

Hindi gusto ng Panginoon ang diborsiyo – Pacquiao

Mariing tinutulan ni Senador Manny Pacquiao ang isinusulong ng Kamara na pagsasabatas ng diborsiyo.

Bilang Kristiyano, sinabi ni Pacquiao na hindi dapat paghiwalayin ng sinuman ang mag-asawa dahil ang utos ng Panginoon ay pagsasama nila ng habambuhay.

Hindi aniya sang-ayon sa disenyo ng Panginoon ang diborsyo o paghihiwalay.

“Kasi I am a Christian. What God joined together let no one separate (sic),” ayon kay Pacquiao.

Ayon sa senador, na nagbibigay din daw ng marriage counselling, hindi solusyon ang hiwalayan kung nagkakaalitan ang mag-asawa.

Kailangan lang aniyang ipaintindi sa mga nagpapakasal na habambuhay ang kanilang pagsasamahan at hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya dahil may dumarating na mga pagsubok.

“Pagpasok mo sa marriage, hindi yan temporary, panghabambuhay yan. Dapat maisapuso na may circumstances na hindi laging masaya, may mga malungkot,” ani Pacquiao.

Ipaintindi rin aniya na nagkakasakitan minsan ang mag-asawa dahil hindi nila kinilala ang otoridad ng isa’t isa.

Idiniin na dapat pahalagan ang kasal na aniya ay isang blessing kapag sinundo ang gusto ng Panginoon.

“Hindi yan ang design ng Panginoon. Ang design ng Panginoon huwag nating ano (paghiwalayin),” dagdag nito.

Kung kailangang-kailangan namang maghiwalay at hindi na makuha sa pag-uusap, sinabi ni Pacquiao na hindi na kailangan ng batas para sa diborsyo dahil umiiral na ang batas ukol sa annulment.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?