By

Hindi dapat mabahala sa bakuna kontra dengue – DOH

Sharing is caring!

Wala umanong dapat ikabahala ang publiko sa bakuna laban sa dengue virus.

Ito ang paglilinaw ng Department of Health (DOH) kasabay ng pagsasabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi dadapuan ng malalang uri ng dengue ang mga nabakunahan ng Dengvaxia sa loob ng tatlumpung buwan.

Paliwanag ng kalihim, makalipas pa ang 30 na buwan bago unti-unting mawala ang sinasabing mas malalang dengue case ng mga nabakunahan ng Dengvaxia na hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Pero nilinaw ni Duque, 8 hanggang 10 porsiyento lamang ng nasa 700,000 nabakunahan ang nanganganib sa sinasabing severe dengue case.

Hindi rin naman aniya ibig sabihin na mangyayari ang severe disease na binabanggit ay mangyayari sa pasyente.

Paliwanag naman ni DOH Spokesperson Asec. Lyndon Lee Suy, na iba ang ginamit na batayan ng Sanofi sa severe dengue case sa kanilang pinagbabatayan ngayon.

Magkakaroon din aniya ng pagpupulong ang mga eksperto ng World Health Organization sa mga susunod na araw saka maglalabas ng rekomendasyon ukol sa nasabing dengue vaccine.

Inatasan na rin naman ng kalihim ang legal team ng DOH upang pag-aralan ang kontrata sa Sanofi-Pasteur.

Matatandaang 2016 nang ilunsad ng DOH ang dengue vaccination sa tulong ng Department of Education sa mga highly endemic regions partikular na ang Central Luzon, CALABARZON at NCR. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?