119
pulis
Oct 2, 2017 @ 20:35

Hindi binabayaran ang pulis para pumatay – Tacorda

Binawi ng isang pulis ang naunang testimonya na binabayaran ang mga pulis para pumatay ng mga drug pusher.

Ayon kay Senador Ping Lacson, sumulat sa kaniyang opisina si Police Officer 1 Vincent Tacorda nitong nagdaang Hulyo 3 para ipaalam na mayroon siyang affidavit of recantation na nilagdaan nung Hunyo 29.

Nag-isip-isip umano si Tacorda at napagtanto niya na mahal niya ang Philippine National Police at iginagalang pa rin niya ito sa kabila ng kaniyang mga naging karanasan dito.

“I have done some serious soul searchings and I have come to realize that I love my organization and I continue to hold it and its ranks in the highest respect despite some sad experiences I went through…” sabi ni Tacorda sa sulat na binasa ni Lacson sa gitna ng pagdinig ng Senado ukol sa mga patayan sa gitna ng gyera laban sa droga.

Si Tacorda ay iniulat na nagbitiw bilang pulis noong Abril 26 dahil hindi na raw niya masikmura ang utos sa kanya ng kaniyang provincial director at chief of police noon sa Viga, Catanduanes.

Sinabi nya sa kaniyang affidavit na may petsang Mayo 10, 2017 na inutusan siya at kaniyang police partner na pumatay ng 5 hanggang 10 drug suspects dahil kung hindi ay masisibak sa pwesto ang kaniyang provincial director.

Sa pagdinig ng Senado, ipinakita ni Senador Antonio Trillanes ang affidavit at taped interview kay Tacorda noong Mayo, ilang araw bago nito bawiin ang unang alegasyon.

Iniutos ni Lacson na ipatawag si Tacorda para komprontahin. (Sherlock Homes)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?