25

Oct 4, 2017 @ 10:59

Hindi benggador si Duterte – Palasyo

Pinabulaanan ng Malacañang na mapaghiganti o “benggador” si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga bumabatikos at kumakalavan sa kanya.

Sa harap na rin ito ng plano ng Pangulo na paimbestigahan si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang dahil sa isyu ng umano’y yaman ng kanyang pamilya na binubusisi ng Onbudsman.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, pananaw lamang ng ibang tao ang sinasabing pagiging mapaghiganti ng Presidente dahil sa estilo ng kanyang mabibigat na pananalita.

Pero sinabi ni Abella na tao lamang si Pangulong Duterte na minsan ay emosyonal pero kumikilala sa batas.

“Vindictiveness is a perception. You know he may have strong words, he may sound emotional regarding these certain matters. He is a human being with full range of emotions but however you have to credit him he goes back to the law,” ani Abella.

Nilinaw din ng tagapagsalita ng Palasyo na hindi pagbabanta kay Carandang ang ginawa ng Presidente nang sabihing magdasal na ito dahil siya ang uunahin kapag nagkagulo sa bansa.

Nauna rito ay ipinagtanggol ni Ginang Honeylet Avanceña ang kanyang partner sa pagsasabing kung napaghiganti ang Presidente ay dapat wala na ngayon ang mga kumakalaban sa kanya.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?