405

May 3, 2019 @ 15:44
By

Hindi ako si Bikoy – Rodel Jayme

Humarap na ang nahuling person of interest ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kumalat na ‘Ang Totoong Narcolist’ video ni alyas Bikoy.

Sa press conference ng NBI, pinabulaanan ni Rodel Jayme na siya si Bikoy, sinabi na hindi rin siya ang nag-upload ng mga video sa Youtube at sa Facebook.

Saad din niya, ang metrobalita.net na website ay pinagawa lamang sa kanya at wala siyang kinalaman sa mga nilalaman nito.

“Hindi ako si Bikoy. Ang website ay pinagawa lang sa akin. Hindi ako ang nag-upload sa YouTube at Facebook,” ayon kay Jayme.

Ngunit ayaw pang pangalanan ni Jayme ang naging kasama para gawin ang website, na ayon sa kanya ay kapareho niyang tagasuporta ng Partido Liberal.

“Sa ngayon, hindi muna ako maglalabas ng pangalan. Sa aking kaalaman, pareho kaming supporter ng Liberal Party noong presidential election,” saad pa.

Aniya wala siyang muwang sa mga video, at ginawa lamang ito para suportahan ang mga kandidato at hindi para mag-post ng mga negatibong bagay patungkol sa administrasyon.

“Malinis po ang usapan namin. Gagamitin lang website para i-post ang magagandang nagawa ng kandidatong sinusuportahan nila. Hindi gagamitin para manira. Hindi ko alam na ia-upload ang videos doon,” aniya pa.

Si Jayme ang tinurong administrator ng metrobalita.net kung saan in-upload ang mga video na nag-uugnay sa ilang malalapit sa kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa drug trade.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?