535

Sep 28, 2021 @ 20:16
By

Hindi ako nawawala, nagtatago – Krizle Mago

Itinanggi ni Pharmally Pharmaceutical Corporation Executive Krizle Grace Mago na nawawala siya o nagtatago matapos na hindi na siya makontak ng Senate Blue Ribbon Committee.

Isang pahayag ang inilabas ni Mago ngayong Martes kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng nag-alala sa kanyang kalagayan.

“Hindi po ako nawawala o nagtatago. Humihingi po ako ng pasensya kung naging out of reach po ako ng ilang araw. Kinailangan ko lang po iproseso ang lahat ng nangyayari,” aniya.

Inamin niyang nahihirapan siya at hindi alam ang dapat gawin pero idiniin na walang sinuman mula sa Pharmally ang nanakot sa kanya.

“Na prepressure ako sa lahat ng nangyayaring imbestigasyon na ito. Pero gusto ko ring malaman ng lahat na I was never threatened by anyone from Pharmally. Sa pagkakakilala ko sa kanila sa panahong nagkatrabaho kami, mabubuti silang tao,” dagdag niya.

Tiniyak din niyang gagawin ang lahat para patuloy na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado.

Matatandaang ilang araw matapos niyang sabihing makikipagtulungan sa Senado ay hindi na umano makontak si Mago.

Sinabi ni Senador Richard Gordon na naging “incommunicado” si Mago.

Si Mago ang opisyal ng Pharmally na nagsabi na binago ang expiration date ng mga face shield na ibinenta sa gobyerno noong nakaraang taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?