38

Oct 10, 2021 @ 20:51
By

Hinaing ng mga tsuper nilapit kay Cayetano

Humingi ng tulong ang mga driver at operator ng public utility jeepney (PUJ) kay dating Speaker Alan Peter Cayetano upang makarating umano sa gobyerno ang kanilang mga karaingan.

Nais ng mga asosasyon ng PUJ na ipaabot sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang mga problema at suhestyon lalo na ang epekto ng limitadong pasahero na maaaring isakay sa mga jeepney.

“Hindi lang po para sa sarili nila ‘yan kundi para rin sa mga commuter at para din po sa mga negosyong nakasalalay din po sa pag-ikot nila,” sabi ni Cayetano.

Ayon kay Boy Rebańo, national president ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), nasa P500 hanggang P600 kada araw na lamang ang kinikita ng mga driver ngayon mula sa P1,800 hanggang P1,200 bago ang pandemya.

“Binigyan lang po ng 50 percent capacity ang bawat nine-seater. Hindi po talaga sila kumikita,” sabi ni Rebańo.

Ayon naman kay Lando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP), nais nilang sumunod sa jeepney modernization program pero kailangan nila ng pinansyal na tulong para magawa ito.

Hiniling ni Marquez na magpasa ang Kongreso ng panukala upang mailaan ang 10% ng nakokolektang buwis sa produktong petrolyo, gulong, at spare parts ng sasakyan sa mga programa para sa sektor ng transportasyon.

“Taxpayer naman kami kasama ng 4Ps, kasama ng sin tax. Bakit kami na nagseserbisyo sa taumbayan, bakit wala kaming sariling pondo?” dagdag pa ni Marquez.

Nangako naman si Cayetano na pagsasama-samahin ang mga hinaing ng mga driver at operator at babalangkas ng isang pagpupulong kasama ang ilang senador, kongresista at mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?