67

Oct 1, 2021 @ 20:13
By

Hinahanap na Pharmally exec nasa kustodiya na ng Kamara

Nasa protective custody na ng Kamara de Representantes si Krizle Grace Mago, ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp., na nagsabing pinalitan ang label ng face shield na ibinebenta sa gobyerno noong nakaraang taon.

Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability at DIWA Rep. Michael Aglipay si Mago ay dumating sa Batasan Complex sa Quezon City alas-6:30 ng gabi.

Sumulat na si Aglipay kay Senator Richard Gordon, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee upang ipaalam na nasa Kamara na si Mago.

“Should you require her participation in any of your hearings, please communicate with the Committee Secretariat and we will make the necessary arrangement,” sabi ni Aglipay sa sulat.

Noong Setyembre 27 ay nagpalabas ng subpoena ang komite ni Aglipay matapos na hindi sumipot si Mago.

Ayon kay Aglipay nakipag-ugnayan si Mago kay Speaker Lord Allan Jay Velasco noong Setyembre 30 at ipinaabot ang kanyang pagnanais na pumasok sa kustodiya ng Kamara.

Sa sulat sinabi ni Mago na hindi ito makapagsalita ng malaya kaugnay ng iniimbestigahang kontrobersya.

“I feel that my life and liberty is in grave danger because of my coming out and my desire to speak the truth. Also now, I came across the information from the news that the police and NBI are tracking me down including my grandparents’ home in the province and took photos and videos without their consent. I truly regret that I am being treated like a fugitive from justice,” sabi ni Mago sa sulat kay Velasco.

Batay sa sulat na ipinadala ni Aglipay kay House Sergeant-At-Arms PGen. Mao Aplasca (retired) si Mago ay mananatili sa kustodiya ng Kamara ng hindi bababa sa dalawang buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?