215

Oct 27, 2017 @ 10:41

Hiling ni Mrs. Granada: ‘Matanda na ako, kahit buhay ko na lang ang maging kapalit gumaling lang si Isa!’

As of 3:00 p.m.yesterday, hindi pa sigurado kung kagabi o ngayong umaga ang alis ng ‘Pinas pa-Qatar ng estranged husband ni Isabel Granada na si Jericho Genasky at ng anak nilang si Hubert para dalawin at asikasuhin doon ang aktres na nasa coma dahil sa aneurysm.

Kahit hiwalay na si Jericho kay Isabel, mabuting magkaibigan pa rin naman ang dalawa.

Kasama rin ng mag-ama ang nanay ni Isabel na kilala sa showbiz sa tawag na Mommy Guwapa.

May tumulong daw na ayusin ang visa pa-Qatar ng mag-ama at isang Spanish citizen naman ang nanay ni Isabel.

Birthday kahapon ni Mommy Guwapa at dalangin niya ang mabilis na paggaling ng kanyang unica hija.

Nang makausap namin noong isang araw si Mommy Guwapa, umiiyak siya at sinabing mahirap para sa kanya ang critical condition ng anak dahil magkalayo nga silang dalawa.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mommy Guwapa sa mga taong humihiling ng dasal para sa paggaling ni Isabel.

“Malaki pasasalamat ko sa lahat. Sa press people na mga kilala ko na noon pa dahil lahat sila ipinagdarasal si Isa. Sana ipagpatuloy lang ang pagdarasal ng lahat para gumaling na si Isa.

“Ang hirap-hirap para sa akin dahil nasa Qatar siya at nandirito naman ako,” sabi pa ni Mommy Guwapa.

Dahil birthday kahapon ni Mommy Guwapa, ilang mga kaibigan nila ni Isabel ang sinamahan siya at iyak pa rin nang iyak ang nanay ng aktres.

Naiyak din ang mga kausap ni Mommy Guwapa nang mag-dialogue siya ng, “Matanda na ako, kahit buhay ko na lang ang maging kapalit gumaling lang si Isa!”

Handa nga raw isakripisyo ng nanay ni Isabel ang buhay nito kapalit ng paggaling ng aktres! (JUN LALIN)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?