117

Oct 17, 2017 @ 18:39

Higit P.2M tinangay sa E-Bingo

Nasa mahigit P200,000 ang natangay ng nasa limang kalalakihang nangholdap ng isang E-Bingo na matatagpuan sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Ayon sa mga kaherang nakatoka noon sa E-Binggo Fast Play na matatagpuan sa kahabaan ng 5th Ave., C-3 Road, Barangay 51 ng nasabing lungsod, na sina Rochelle Veltohan, 34-anyos, at Hannah Silvestre, 29, ay ganap umanong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente.

Nasa loob umano sila noon ng kanilang pinagtatrabahuhan nang pumasok ang nasa apat sa limang suspek na pawang mga armado ng baril saka sila tinutukan sabay deklara ng holdap.

Mabilis ding dinis-armahan ng mga suspek ang guwardiyang si Ronnie Lustica, 35, saka sapilitang kinaladkad papasok ng kubeta at ikinulong habang ang isa sa kanila ay naiwan sa labas na siyang nagsilbing lookout.

Tinangay ng mga kawatan ang nasa P253,877.00 na halaga ng collection money sa nasabing establisyimento. Agad nagsitakas ang mga salarin matapos makuha ang pakay.

Humingi ng saklolo pagkaraan sa Caloocan City Police Community Precinct 2 ang mga empleyado.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga kawatan at matukoy ang kinaroroonan ng mga ito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?