856

Mar 22, 2020 @ 6:46
By

Higit 850K posibleng tamaan ng COVID-19 sa Bicol

Sakaling magmatigas laban sa community quarantine, nasa 858,737 katao sa Kabikolan ang posibleng magkaroon ng malubhang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

306,691 dito ang maaaring mamatay, ayon pa kay Department of Health – Bicol regional director Dr. Ernie Vera, sa isang ulat.

Ang naunang bilang kasi ang bumubuo sa 14% ng 6,133,836 populasyon ng Bicol Region, na posibleng maapektuhan sakaling lumabag ang mga residente sa 14-day quarantine period.

Matatandaang higit 80,000 Bicolano mula Metro Manila ang umuwi sa naturang probinsya, matapos ang anunsiyo ng total lockdown sa Luzon na laban sa pagkalat ng COVID-19.

Pawang persons under monitoring ang mga ito sa ngayon, habang may pitong persons under investigation din sa Bicol.

Binubuo ang Kabikolan ng anim na probinsya (Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Sorsogon, Albay) na may 7 siyudad, 108 munisipalidad at 3,471 barangay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?